Wala trabaho si Mister

Dear Maria,

Mahal na mahal ko ang asawa ko kaya lang may pagkakataon na natuturta na ang utak ko kung saan kukuha ng gagastusin. Wala kasi siyang tabaho ilang taon na at ako lang ang kumakayod sa aming dalawa. Isusuko ko na ba ang aming pagsasama dahil lang sa problemang ito? — Margo

Margo,

Kung talagang mahal mo ang iyong mister, bakit mo siya susukuan? Hindi nga ba ng magpalitan kayo ng ‘I do’ ay nagsumpaan kayo na magsasama sa hirap at ginhawa. Bakit ngayong nakakaramdam ka ng  paghihirap ay ibig mo na sumuko? Huwag naman sanang ganu’n. Gayunman, hindi naman kita masisisi kung napapagod ka na. Napakahirap naman kasi talaga ang magtrabaho.

Ang dapat mong gawin, kausapin mo ng masinsinan ang iyong mister. Sabihin mong nahihirapan ka na at kailangan mo ang kanyang tulong. Sana lang ay sikapin mong maging mahinahon sa’yong pagsasalita. Huwag na huwag kang gagamit ng salita na makakasakit sa kanyang ego dahil baka pagsimulan ‘yan ng matinding sama ng loob na maaaring humantong sa paghihiwalay. Alalahanin mo, lalaki pa rin ang mister mo at may pride.

Sana naman magtulungan na lang kayong mag-asawa, sa halip na magsumbatan. Kayo rin naman kasi ang makikinabang sa benipisyong ibinibigay ng bawat isa. Kung ikaw ang nagtatrabaho, siguro naman siya ang gumagawa sa bahay at kung may anak kayo, malamang siya ang nag-aalaga. Kung hindi pa rin niya ginagawa ‘yan, masasabi ko ngang sukdulan ang kanyang katamaran.

Kung ganoon ba siya, sure ka bang makakaya mo siyang hiwalayan? Siyempre, tanging ikaw lang naman ang makapagdedesisyon kung ano ang dapat mong gawin. Timbangin mo rin sanang mabuti. Mahirap magsisi kaya huwag kang magpabigla-bigla.