Ikinahihiya ang Dyowang Pangit

Ang kagandahan at kaguwapuhan ng isang tao ay nasa tumitingin.  Maaaring sa paningin ng marami ay hindi siya maganda o guwapo kaya lang sa kanya tumibok ang iyong puso.  So, anong iyong gagawin? Ang dapat ay panindigan mo ang iyong pagmamahal para sa kanya. Huwag mo siyang lalaitin o aayunan ang sinuman para siya ay laitin.

Kahit naman kasi hindi siya kagandahan o kapogian, may damdamin pa rin ang iyong mahal na siguradong masasaktan kapag siya ay ikinahiya mo. Ang dapat mong gawin para tumaas din ang kumpiyansa niya sa kanyang sarili ay  ipakita sa kanya na para sa’yong paningin, wala ng mas guguwapo o gaganda pa sa kanya.

Ngayon kung ikaw naman iyong tipong ikinahihiya mo naman ang dyowa mong pangit, kahit na magsabi ka pa sa kanya ng ilang milyong I love you, siguradong pagdududahan na niya ‘yan. Tulad nga ng sinabi ko kanina, kahit na ano pa ang anyo ng isang tao, may damdamin pa rin iyan na siguradong masasaktan kapag  ikaw mismo ang  nagtawa sa kanyang hitsura.

Sa maling ginagawa mo ay baka magulat ka na lang isang araw na makipag-break na siya sa’yo. Aba, hindi porke maganda ang hitsura mo ay hindi na gugustuhin ng pangit mong karelasyon na iwanan ka. Kung mahal mo talaga siya, huwag mo siyang sasaktan sa anumang paraan. Sa halip ay ipadama mo sa kanya na  pinuproteksyunan mo siya.