Dahilan kaya Mahalaga ang Tubig

Tubig ang pinakamahalagang inumin na dapat pumasok sa ating katawan dahil dito gumagana nang maayos ang ating katawan sapagkat tinatangay nito ang dumi sa ating katawan. Bukod doon ay nagdadala ito ng sustansiya at oxygen sa ating katawan kaya nakakagalaw tayo nang maayos.

Kung inyo ngang mapapansin, kahit na hindi ka kumain ng tatlong beses sa isang araw basta panay ang pag-inom mo ng tubig ay magiging okay ang pakiramdam mo. Kaya nga importante talagang uminom ka ng 8 hanggang 10 baso na tubig araw-araw. Tandaan mo, ang katawan natin ay dapat na mayroong 60 percent na tubig dahil kailangan mapalitan ang inilalabas ng ating katawan kapag tayo ay umiihi at dumudumi.

Kaya nga kapag ikaw ay nagi-LBM, malaki ang posibilidad na ma-dehydrate ka. Huwag mong pababayaan na mangyari iyon sa’yo dahil maaari mo iyong ikamatay. Para naman malaman mo na ikaw ay kulang sa tubig ang katawan, tingnan mo ang ihi mo. Kapag nakita mo na ito ay naninilaw o kulay orange na, uminom ka nang maraming tubig. Ibig kasing sabihin niyan, kinukulang ka na ng tubig sa katawan.

Sa iyong pisikal na hitsura rin ay makikita rin kung ikaw ba ay nadi-dehydrated na. Para makatiyak ka, mas maiging humarap ka na sa salamin at suriin mong mabuti kung ano na ba ang iyong hitsura. Ito ay kapag nakikita mong nanunuyo na ang iyong labi, bibig at kapag konti ka lang umihi.

O, umiinom ka ba ng sapat na tubig?